
Nag apila ang Public Attorney’s Office (PAO) sa Commission on Higher Education (CHEd) na
bawiin ang memorandum na inilabas nito kasama ang Department of Health (DoH) na nagbabawal sa mga hindi bakunado at mga hindi pa kompleto sa bakuna (partially vaccinated ) at maging ng mga hindi pa nakapagpa-booster na pumasok at mag enrol sa mga unibersidad at kolehiyo.
Kasama sa nag apila kahapon ni Chief Atty. Persida Acosta sa PAO central office ng Quezon City ay sina Forensics Division Director Erwin Erfe and lawyer Lorenzo “Larry” Gadon, at iba pang mga kawani ng nabanggit na ahensya. Ang pagbabawal sa mga gustong mag aral, ayon sa mga nabanggit na petitioner, ay diskriminasyon laban sa libo-libong estudyante at isang malaking paglabag sa batas at paglapastangan sa karapatan ng bawat indibidwal na makapag aral.
Bukod sa lumalabag ito sa karapatan ng bawat Pilipino na makapag aral na ligtas at hindi ginagambala ng sino man, ang memorandum daw umano na ito ng CHEd ay kontra rin sa Republic Act 11525 na siyang legal na basehan para tumanggi, lalo na sa pamimilit o panggigipit dahil nakasaad dito (Section 12) na hindi mandatory ang pagbabakuna at hindi ito maaaring gawing requirement para sa kahit ano mang uri ng transaksyon.
Ayon kay Atty. Acosta, kaya sila kumilos at nag apila sa CHEd ay dahil napakarami umanong mga magulang at mga estudyante mismo na nasa third, fourth, o kaya fifth year ang nagreklamo sa kanilang tanggapan dahil nga sa ayaw silang papasukin o kaya i-enrol sa higher education institutions (HEIs) o mga unibersidad sa kadahilanan na hindi sila bakunado o kaya naman ay di pa sila nakakuha ng booster shots. Kasama na din sa mga nagreklamo, dagdag pa ni PAO Chief Acosta, ay ang mga hindi talaga maaaring tumanggap ng bakuna dahil sa iba’t ibang mga health concerns o kondisyon, kasama na syempre ang mga allergic reactions na malala.
Matatandaan na noong July 6, 2022 ay nagpadala na din ng sulat si PAO chief Atty. Acosta kay President Bongbong Marcos upang ipaalam na mayroong petisyong nakaapila sa Regional Trial Court Branch 222 ng Quezon City ang isang grupo ng mga magulang na humihiling ng temporary restraining order (TRO) at writ of preliminary injunction (WPI) may kinalaman sa pagbabakuna sa mga bata, lalo na ang mga nasa edad 5 hanggang 11. Ang petisyon na ito ay
inihain noong February 2022 sa pangunguna ng dalawang magulang na sina Dominic Almelor at Girlie Samonte.
Ayon naman kay PAO forensic director na si Erwin Erfe, sa ilalim ng RA 11525, maaari ring pagbayarin ang mga staff at opisyal ng CHEd sa mga pinsala na dinudulot nito dahil sa patuloy na pagbabalewala at pag apak nito sa mga karapatan ng mga estudyanteng ayaw magpabakuna, lalo na sa mga talagang nagkaroon ng malubhang epekto (severe adverse effects) o kaya mga namatay dahil sa bakuna para sa COVID.
Samantala, ayon naman kay Atty. Larry Gadon:
“Nananawagan ako sa CHEd na kanilang tanggalin ang kanilang diskriminasyon doon sa kanilang memo na ang mga bakunadong estudyante lang ang pwede sa face to face classes…dapat wala tayong discrimination… ako bilang parent ay hindi sumasang-ayon na ang CHEd ay magkaroon ng ganitong klaseng paghihigpit.”
Dagdag naman ni Atty. Persida Acosta, nag aantay na lang daw umano sila sa sagot mula sa CHEd at kapag hindi nito binawi ang memorandum, mapipilitan umano sila na magsagawa ng kaukulang legal na hakbang.
Panoorin ang full press conference ng PAO sa link na ito:
https://www.facebook.com/1830089220630589/videos/389746119941895/