
Noong August 3, 2022 ay nag-isyu ng pahayag ang University of Mindanao (UM) sa pamamagitan ng opisyal na Facebook page ng kanilang OSA (Office of the Student Affairs) may kinalaman sa kanilang polisiya tungkol sa “face to face” class para sa SY 2022-2023. Ayon dito, mahigpit nilang ipapatupad ang “no vaccine, no antigen test, no entry” policy bilang pagsunod sa direktiba ng CHEd (Commission on Higher Education), DOH (Department of Health), at IATF (Inter-agency Task Force). Ang sino mang hindi pa bakunado, ayon sa polisiya ng UM, ay maaari lamang makapasok kapag nagpasa ng negative result ng antigen testing kada linggo.
Ang UM ay isa sa mga unibersidad na may mga pinakamaraming estudyante. At base sa kanilang polisiya, ang mga estudyante ang magbabayad para sa antigen testing na nagkakahalaga ng P350 kada test. Ang mga bagong polisiyang ito ay nakabase daw sa JMC No. 2021-004 (joint memorandum circular) na pinapatupad ng CHEd at ng DoH na nagsasabing tanging mga fully vaccinated na mga estudyante at staff lang ang pwedeng ma enrol o makapasok sa paaralan.
Ayun din sa ulat ng Sunstar Davao, hindi lang ang UM ang nagpapatupad ng ganitong polisiya kundi pati na din ang Holy Cross of Davao College. Basi sa interview ng Sunstar kay Teresa Fabiana na siyang vice president ng paaralan, nabanggit nito na kahit sa pagkuha ng exam, ang mga bakunado at ang mga mayroong negative result ng antigen test lang ang maaaring makakuha nito.
Samantala, ang mga polisiya namang ito ng dalawang unibersidad ng Davao ay direktang tumataliwas sa mga naunang pahayag ni Vice President Sara Duterte na siya ring secretary ng Department of Education (DepEd). Noong July 14 sa isang ambush interview, ito ang pahayag ni Sara Duterte:
“Walang dapat na segregasyon na mangyari, walang diskriminasyon para sa mga hindi bakunadong mag aaral dahil hindi naman mandatory ang vaccination, at wala naman tayong nakikitang problema sa paghahalo-bilo ng mga estudyanteng bakunado at hindi bakunado sa kanilang mga silid-aralan. Kasi sa labas, sa kanilang mga bahay-bahay, sa mga mall, sa simbahan, at sa mga public transportation, magkakasama naman ang mga ito.”
Hindi lang si Sara Duterte ang tanging opisyal na mayroong taliwas na pahayag laban sa pinapatupad na ito ng CHEd at ng DoH. Noong April nitong taon, ito naman ang pahayag ni Sorsogon Governor Francis Joseph G. Escudero:
“May mga report na may mga paaralan na nagre-require sa mga estudyante na magpresenta ng proof of vaccination (vaccine card) bago sila payagang makasali sa in-person schooling. Ito po, sa madaling sabi, ay illegal. Hindi natin maaring pagbawalan ang sinoman sa pagkakaroon ng edukasyon dahil ito ay isang pundamental na karapatang pantao.”
Noong August 22, 2022 naman, naglabas ng press conference ang Public Attorney’s Office (PAO) sa pangunguna ni chief attorney Persida Acosta, kasama ang iba pang mga opisyal ng iba’t ibang ahensya na sila chief Erwin Erfe at Atty. Larry Gadon, kasama na pati sina Dr. Romeo Quijano ng Concerned Doctors and Citizens of the Philippines (CDCPh) at Capt. Rey Valeros ng Gising Maharlika. Sa press conference na ito, nanawagan sila sa CHEd na bawiin o baguhin ang JMC na ito dahil nilalabag umano nito ang mga karapatang pantao ng mga mag aaral at mga staff ng paaralan sa pamimigitan ng panggigipit sa kanila.
References:
https://www.facebook.com/1830089220630589/videos/389746119941895/